Pulis ninakawan, sinaktan sa Labor Day rally
MANILA, Philippines — Isang pulis ng Manila Police District (MPD) ang ninakawan ng cellphone at sinaktan ng raliyista sa Labor Day rally sa Maynila kahapon.
Ayon kay MPD-Ermita Station (PS5) Commander Lt. Col June Abrazado, binibidyuhan ng pulis ang protesta nang biglang agawin umano ng raliyista ang cellphone nito. Bukod dito, pinagsusuntok, kinalmot, at hinampas ng kawayan ang pulis habang nagkakagulo.
Nagsimula ang mobilisasyon alas-8 ng umaga mula sa Welcome Rotonda, kung saan ang mga nagpoprotesta ay nagmartsa sa kahabaan ng España Boulevard patungo sa Mendiola.
Nang harangin umano ang mga raliyista, naghiwa-hiwalay ang mga grupo sa Kalaw Avenue at Roxas Boulevard.
Ang ilan ay dumiretso sa Embahada ng Estados Unidos, habang ang iba ay nagsagawa ng kanilang programang protesta sa kahabaan ng Kalaw.
Sinabi ni Abrazado, iniimbestigahan na nila ang insidente upang matukoy ang mga sangkot na indibidwal na sumuntok sa opisyal, at umaapela rin siya na ibalik ang ninakaw na cellphone.
Binigyan diin ng MPD na patuloy silang nagpapatupad ng maximum tolerance sa mga rally.
- Latest





















