Lalaking bumaril sa rumespondeng pulis, tigok sa engkuwentro

MANILA, Philippines — Patay ang miyembro ng Sputnik gang na namaril at nakasugat sa rumespondeng pulis nang masukol at makipagputukan sa rooftop ng isang bahay, sa Pasay City, Martes ng gabi.
Sa ulat ni Pasay City Police Station chief, PCol. Joselito de Sesto, dead on arrival sa ospital si alyas “Nonoy Negro”, na nagtamo ng tama ng bala sa kanang dibdib.
Nilinaw naman ni Southern Police District (SPD) District Director PBGen. Glenn Oliver Cinco na ginawa ng mga pulis ang lahat upang madakip ang suspek na armado ng baril.
Una nang iniulat sa pulisya ang walang habas na pagpapaputok ng baril ng suspek sa Brgy.61 sa Pasay, sa gitna ng kantyawan ng mga kaibigan at kainuman.
Sa pagresponde ng team kabilang si PStaff Sgt. Carlo Rebulanan na tinamaan sa balikat ng pamamaril ng suspek, alas-5:10 ng umaga ng Abril 28 sa Pasilio 3 ng Victor St., Brgy. 61, bago tumakas.
Pagsapit ng alas-8:15 kinagabihan, may natanggap na tip ang pulisya na nagtatago sa rooftop ng isang bahay sa Brgy. 62 ang suspek, at nang nakorner, sa halip na sumuko ay nakipagbarilan dahilan upang gantihan siya ng mga operatiba.
- Latest




















