Driver’s license ng vlogger, binawi ng LTO

MANILA, Philippines — Binawi na ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ng isang babaeng vlogger na nag-viral sa social media dahil sa pagmamaneho ng sasakyan habang hawak ang isang recording device.
Ayon sa LTO, dahil sa ginawa ng vlogger na may account na “Ishi Lee” ay hindi muna maire-renew at hindi magagamit ang drivers license nito sa loob ng dalawang taon.
Niliwanag ng LTO na ginawa ang pagbawi sa drivers license ng vlogger nang isnabin nito ang naipadalang show cause order (SCO) ng LTO dito noong nagdaang Pebrero para sana dumalo sa naitakdang hearing o magsumite ng written explanation hinggil sa nangyari.
“Sa kabila ng naunang desisyon na nagbabawal sa vlogger na magmaneho, lumabas sa mga ulat na patuloy pa rin siyang nagmamaneho ng sasakyan, na nagdulot ng paglabag sa naturang kautusan ng LTO at karagdagang kaso ng driving without a valid driver’s license,” ayon sa LTO.
Nitong April 20, naglabas ang LTO ng supplemental order laban sa vlogger dahil sa mga paglabag sa batas trapiko tulad ng reckless driving, driving without a valid driver’s license, anti-distracted driving, at improper person to operate a motor vehicle.
Bukod sa pagbawi ng drivers license ng vlogger sa loob ng dalawang taon, may kaukulang multa rin na ipinataw ang LTO at na impound ang sasakyan nito.
Aarestuhin din ng LTO ang vlogger kung makikitang patuloy itong nagmamaneho ng sasakyan na walang drivers license.
- Latest























