Flores de Mayo arangkada sa Mayo 3
Magbabalik sa Maynila
MANILA, Philippines — Matapos ang limang taon, muling ibabalik ng Lungsod ng Maynila ang “Flores de Mayo” kung saan 35 mga magagaling na fashion designer ang magpapakita ng kanilang mga disenyo.
Sa ginanap na press conference sa Manila Hotel, sinabi ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na bongga ang Flores de Mayo na may temang “Dalisay at Halimuyak”, dahil lalahukan ito ng mga malikhain at mahuhusay na designer na magbibigay inspirasyon naman sa mga kabataan na nagnanais na maging designer.
Aniya, ang mga ganitong uri ng selebrasyon ay hindi lamang pagpupugay sa kultura at pananampalataya kundi mahalaga ring hakbang upang lalong pasiglahin ang turismo sa makasaysayang Lungsod ng Maynila.
Nagpasalamat si Domagoso sa inisyatibang ito ng Manila Hotel sa pangunguna ng pangulo nitong si dating Senador Atty. Joey Lina dahil nabubuhay muli ang isa sa mga kultura ng bansa.
Bahagi ng bonggang Flores de Mayo ay pakikilahok ng Philippine Navy (PN), Philippine Army (PA), at Philippine Air Force (PAF) kung saan ang mga ito ang magbibitbit ng mga arko ng mga kalahok sa sagala.
Dumalo rin sa pulong balitaan sina Cathy Mora Capistrano, pangulo ng Fashion Designers’ Association of the Philippines, at overall director na si Raymond Villanueva.
- Latest

















