3 timbog sa medical assistance modus
MANILA, Philippines — Arestado ang tatlong indibiduwal matapos na madiskubreng peke ang kanilang dalang medical documents kaugnay ng paghingi ng medical assistance sa isang pampublikong ospital sa Quezon City.
Nangyari ang insidente sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) sa Brgy. Marilag, Project 4, QC, kung saan dalawang babae na nasa edad 30 at 60 at lalaki na edad 28 ang nagkutsabahan upang makakuha ng medical assistance gamit ang mga peke at kuwestiyonableng dokumento sa Malasakit Center.
Sa report na tinanggap ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director PMGen. Anthony Aberin, nabuking ng hospital staff ang ilang hindi pagkakatugma-tugma sa mga isinumiteng dokumento ng mga suspek kaya agad namang nakipag-ugnayan sa security personnel ng Malasakit Center.
Posible umanong nasilaw ang mga suspek sa mga gamot na kanilang makukuha na umaabot sa ?100,000 at ibebenta online ng mga suspek sa mas mababang halaga.
Inaalam na rin ng NCRPO kung sino ang nasa likod ng modus at nag-recuit sa tatlo kapalit ng mabilisang kita.
Nakuha sa mga suspek ang mga pekeng dokumento, ID, medical certificates, prescriptions, clinical abstract, at referral documents na ginagamit sa modus.
Sasampahan ng Attempted Estafa through Falsification of Public Documents ang mga suspek.
“Let this serve as a warning—any attempt to falsify documents and deceive public institutions will be dealt with firmly. We will ensure that government assistance reaches its rightful beneficiaries and act swiftly against those who seek to exploit it,” ani Aberin.
- Latest






















