4 kidnaper todas sa shootout

MANILA, Philippines — Patay ang apat na miyembro ng Kidnap for Ransom (KFR) syndicate na kinabibilangan ng dalawang AWOL na pulis, matapos makipagbarilan sa mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) kasunod ng rescue operation sa Parañaque City nitong Miyerkules ng gabi.
Ayon kay PNP-AKG Director PBGen. Glicerio Cansilao, ang mga
napatay na suspek ay nakilalang sina Rhian Martinez de Guzman; Argel Valenzuela Nabor, 39; Robert Allan Raz; at Robin Escandor Reyes, 24.
Nasamsam kay de Guzman ang National Bureau of Investigation (NBI) identification card habang sina Nabor at Reyes naman ay mga dating tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO)na nag-AWOL (absent without official leave) at na-dismiss noong 2025.
May outstanding warrant din umano si Nabor para sa malversation of public funds o property na inisyu ng Manila Regional Trial Court Branch 28 noong Pebrero.
Nailigtas naman sa operasyon ang 78-anyos na Indian national na dinukot habang patungo sa kanyang tirahan sa Makati.
Sinabi ni Cansilao, noon Martes ng gabi ay tatlong beses na nakipag-ugnayan ang mga kidnapper sa manugang at asawa ng biktima at humihingi ng P50 milyong ransom na naibaba sa P10 milyon at i-set up ang pay-off malapit sa isang mall sa kahabaan ng Macapagal Boulevard sa Parañaque City noong Miyerkules ng gabi.
Matapos ibigay ang P10 milyong ransom at mapalaya ang biktima, nakipagbarilan ang mga suspek sa mga rumespondeng tauhan ng AKG.
Pinaputukan ng mga suspek na sakay ng Toyota Fortuner at Mitsubishi Xpander ang mga operatiba dahilan para gumanti ng putok ang mga pulis.
Nasapol ng bala ang mga suspek sa loob ng kanilang Toyota Fortuner na agad sinugod sa ospital pero idineklara na silang dead-on-arrival. Kahapon naman ng madaling araw nang marekober ang Mitsubishi Xpander sa Malate, Maynila.
Nakita rin sa sasakyan ng mga suspek ang ang ilang uniporme ng PNP, isa rito ay may pangalang “Fabros”; isang caliber pistol; ilang cartridge; isang granada; at mga plate number NIG 9492 at NJF 8105, at ang hindi pa tiyak na bahagi ng ransom money.
- Latest




















