DILG: Walang aregluhan sa cadet hazing
MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na walang aregluhang mangyayari sa kaso ng hazing sa 22 underclassmen ng tatlong kadete sa Philippine National Police Academy (PNPA).
Sinabi ni Remulla na walang puwang sa ahensiya ang karahasan, pang-aabuso at impunity sa loob ng police training institution.
Ang tatlo na nasa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ay nakilalang sina 3rd Class cadets Mhicco Legarda Escalante, Harold Locop Heje at Lance Elroy Guinitaran Gayramon, ang itinuturong nagsaboy ng asido at muriatic acid sa mga ito.
“Walang aregluhan dito sa tatlong nahuli na ito. I will ensure to the full extent of my capacity, na ‘yung tatlo will be charged doon sa Anti-Hazing law. I will make sure that the procedures are followed, that the case build-up is done well and we will charge them accordingly,” sabi ni Remulla.
Aniya, lumilitaw na pitong kadete ang may direktahang partisipasyon sa naganap na hazing noong April 7 ng alas-10 ng gabi sa 22 biktima.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 11053 at ang mga ito ngayon ay nasa custody ng CIDG.
Isinasailalim na rin sa forensic examination ang mga nakuhang ebidensiya at gamit sa lugar.
Samantala, inatasan naman ni National Police Commission (Napolcom) chairman Atty. Rafael Calinisan sina Napolcom Commissioners Josephus G. Angan at Beatrice Aurora Vega-Cancio na pag-aralan ang mga posibleng paraan upang matapos na ang hazing sa PNPA.
- Latest


















