Transport strike kasado sa Abril 15-17
MANILA, Philippines — Inanunsiyo kahapon ng transport group na Manibela na magdaraos silang muli ng isang nationwide transport strike upang iprotesta ang anila’y hindi sapat at mabagal na tugon ng pamahalaan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Manibela Chairperson Mar Valbuena na ang malawakang tigil-pasada ay ikakasa nila mula Abril 15, Miyerkules, hanggang 17, Biyernes. Ani Valbuena, nasa 80,000 miyembro ng Manibela ang makikilahok sa tigil-pasada.
“Asahan ninyo ang ganti namin simula sa Miyerkules na magkakaroon ng transport strike. Ito ay tugon namin sa mabagal ninyong reaksyon at pagtugon sa krisis na ito ani Valbuena.
Bukod sa kanilang grupo, makikiisa rin anila sa pagkakasa nila ng malawakang tigil-pasada ang United Transport Alliance, gayundin ang iba pang transport workers gaya ng mga tsuper ng mga transport network vehicle services (TNVS), taxis at motorcycle taxis.
Kabilang naman sa mga hiling ng grupo ay ang suspensiyon ng excise tax at value-added tax sa fuel products, gayundin ang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo na P55 hanggang P57 kada litro.
Binatikos din ni Valbuena ang tulong at fuel subsidy programs ng pamahalaan dahil hindi anila ito sapat at marami pa ring namang jeepney drivers ang hindi nakakatanggap nito.
- Latest
















