Nasapol ng bato, bote 7 pulis sugatan sa demolisyon
MANILA, Philippines — Nasa pitong pulis ang naiulat na sugatan sa isinagawang clearing operation sa mga nasunugang kabahayan sa NIA road sa Brgy. Pinyahan, Quezon City nitong Huwebes ng umaga.
Batat sa ulat na nakarating kay Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen. Randy Glenn Silvio, pinagbabato ng mga bato at bote ng mga residente ang demolition team na armado ng bareta at maso habang ginigiba ng backhoe ang mga natirang istraktura ng mga nasunog na bahay sa lugar.
Ayon kay PLt. Col. Zachary Cappellan, hepe ng Kamuning Police Station 10 ng Quezon City Police District (QCPD), may lima ring mga residente ang arestado na sangkot sa pambabato.
Nilinaw naman ni Atty. Jay Conejero, chief ng Local Housing Deparment, hindi matatawag na demolition ang nangyayari kundi isang clearing operation.
Aniya, hindi na umano maari pang balikan o muling tirhan ang mga nasunog na mga kabahayan kung kaya’t ginigiba na ang mga ito.
Nabatid na nakatakdang tayuan umano ang lugar ng pitong vertical housing units na may pitong palapag.
Nabigyan na rin umano ng cash assistance ang mga registered owners at mga sharers at nagrerenta sa lugar.
- Latest

















