PNP ininspeksiyon LRT Stations at bus terminals
MANILA, Philippines — Upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero na bibiyahe upang makauwi sa kani-kanilang probinsiya ngayong Huwebes Santo at Biyernes Santo, ininspeksiyon kahapon nina Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. at National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director PMGen. Anthony Aberin ang ilang LRT Line 2 sa Maynila at ilang bus terminal sa Cubao, Quezon City.
Unang nagtungo sa Quiapo Church si Nartatez saka sumakay ng LRT line 2 mula Recto station patungong Cubao. Kuntento naman si Nartatez sa sistema ng LRT at maging ang mga biyahero na naghahabol na makauwi sa kanilang probinsya.
Samantala, kasama si Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen. Randy Glenn Silvio, inikutan naman Aberin ang mga bus terminal sa Cubao at Pasay City upang alamin ang sitwasyon sa Holy Week exodus sa Metro Manila.
Bukod sa mga terminal sa Cubao, ininspeksyon din ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at ang libong mga tauhan na itinalaga para sa Ligtas SUMVAC operations.
“As of now, generally peaceful po ang Metro Manila. And at the same time, nag-ikot din po tayo sa ibang mga bus terminal kagaya ng PITX. At wala po tayong naitatalang insidente na krimen po doon sa mga lugar po na inikot po natin,” ani Aberin.
Tiniyak ni Aberin na nakabantay ang PNP sa mga biyahero at walang direktang banta sa seguridad sa Metro Manila. Pinaalala din ni Aberin ang mga aalis ng bahay na seguraduhing nakakandado ang mga bahay at ibilin din sa mga kamag-anak at pinagkakatiwalaang kapitbahay, kahit pa may mga nakatalagang pulis at mga tauhan ng barangay na magmomonitor sa mga komunidad.
“Sa ating mga directors po, district directors, ang ating guidance, walang sa kanilang AOR. Make sure na they properly supervise and monitor their personnel, especially po sa mga naka-deploy. To make sure na ang ating mga kababayan ay will feel secured this Holy Week… Sa ating mga kababayan na magkakaroon po ng mga problema or emergency, dial 911 po. In 5 minutes, andiyan po ang inyong kapulisan,” ani Aberin.
- Latest


















