PBA player ‘nagnakaw ng halik’ sa BGC, inaresto

MANILA, Philippines — Swak sa kulungan ang isang professional basketball player makaraang halikan ang isang babaeng nakasalubong sa bar na humantong sa rambulan Sabado ng gabi sa Bonifacio Global City, Taguig.
Ayon sa ulat, nakabanggaan ng 22-anyos na biktima ang dating Talk n Text player na si Mac Cardona, sa smoking area ng bar saka hinatak at biglang hinalikan ang una.
Dito na nagsumbong ang biktima sa kanyang boyfriend na kumumpronta kay Cardona hanggang sa humantong sa suntukan.
Dinuru pa umano ni Cardona ang mata ng boyfriend ng biktima. Lumilitaw na bukod sa biktima, may iba pa umanong babae ang hinalikan ng suspek.
Nang dumating ang responde ng kapulisan ay nahinto ang gulo subalit nagtamo ng sugat sa mata ang boyfriend ng biktima.
Natuklasan ng Taguig City Police Station na tatlong beses nang nasampahan ng iba’t ibang kaso ang player, kabilang ang paglabag sa Anti-Violence Against Women and their Children act (VAWC).
“Ang suspect ay may kaso nung 2016 VAWC, 2018 VAWC, tapos nung 2021 ay kidnapping and failure to return a minor,” sabi ni PCapt. Ibralen Jain, Section Chief ng Taguig City Police Women and Children Protection Section.
Tumanggi namang makipag-areglo ang mga biktima sa suspek kaya Acts of Lasciviousness at Physical Injuries ang ikakaso.
- Latest
















