TNVS rider todas sa holdap

MANILA, Philippines — Patay ang isang 26-anyos na rider ng kilalang motorcycle taxi matapos holdapin at pagsasaksakin sa dibdib ng kasabwat ng kanyang pasahero, sa Taguig City noong Marso 11, 2026.
Naganap ang insidente na nagresulta sa pagkamatay ng biktimang si alyas “Jayson” ng Move-it bandang alas-3:43 ng madaling araw sa Brgy. Calzada Tipas, Taguig City.
Agad namang naaresto ang mga suspek na isa rito ay mismong pasahero ng biktima na 17-anyos at may kasabwat na isa pa.
Sa imbestigasyon ng Taguig City Police Station, lumilitaw na ang nag-book sa TNVS driver ay ang kasabwat ng pasahero.
Nagpahatid sa lugar ang 17-anyos na pasahero at pagsapit sa destinasyon ay nakaabang na pala ang kasabwat nito hanggang sa holdapin at saksakin ang biktima.
Nag-viral pa ang video ng insidente, kung saan ang biktima na naglalakad pa na paika-ika at humihingi ng tulong habang hawak ang kanyang dibdib at may bitbit na helmet.
Nang kumalat ang video, umaksyon ang Taguig Police at agad nagsagawa ng backtracking, forward tracking at follow-up operations na nagresulta sa pagdakip sa dalawang suspek na nahaharap na sa reklamong Robbery with Homicide.
Ayon sa live-in partner ng biktima, nagtatrabaho mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-5:00 ng madaling araw ang biktima.
Gabi ng Marso 10, ilang oras bago maganap ang krimen ay kumain pa umano ang biktima at live-in partner bago nagpatuloy sa trabaho.
Nagsusumikap umano ang biktima na makapag-ipon dahil sa planong pagpapakasal ngayong taon
- Latest




















