Petisyon vs garbage fee sa Maynila ibinasura ng SC

MANILA, Philippines — Ibinasura ng Korte Suprema ang inihaing petisyon laban sa bisa ng isang ordinansa sa Maynila sa pagtaas ng bayarin sa pagkolekta ng basura sa lungsod.
Sa isang Resolusyon ng Supreme Court En Banc, sinabi ng mga mahistrado na nabigo ang petisyoner na si John Barry T. Tayam na matugunan ang mga pangunahing kinakailangan ng judicial review.
Ito ay patungkol sa kinwestyon na validity o bisa ng Ordinance No. 9151, na ipinatupad ng Manila City Council noong Nobyembre 2025.
Ipinunto ng SC na si Tayam ay residente ng Las Pinas, at walang legal standing para maghain ng petisyon, na hindi saklaw, dahil ang mga negosyo, ahensya at mga tirahan sa Maynila ang direktang apektado sa kinukwestyong ordinansa, gayung siya ay wala sa isa man sa mga ito.
Bukod pa rito, ipinaliwanag din ng SC na hindi maituturing na “taxpayer’s suit” dahil sa kawalan ng reklamo sa iligal na pamamahagi ng pondo o labas sa batas na tax measure. Ang usapin sa ordinansa ay regulatory measure at hindi isang revenue measure.
Sa kwestyon naman kung nailathala ang Ordinansa, nagkaroon ng public hearing, at kung lagpas sa mga gastos ang regulasyon, sinabi ng SC na sa mababang korte dapat dalhin ang isyu, na paglabag sa hierarchy ng korte. Ang pagsampa sa SC ng usapin ay hindi wasto dahil hindi naman tagasuri ng ebidensya ang SC, kungdi dapat munang dumaan sa paglilitis ng naaangkop na korte.
- Latest




















