2 sugatan sa sunog sa Caloocan

MANILA, Philippines — Sugatan ang dalawa katao sa sunog na naganap sa loob ng kanilang bahay, sa Caloocan City, Sabado ng umaga, Marso 14.
Nagtamo ng paso sa braso at lapnos ang mga daliri ng 28-anyos na babae at sugatan din ang 15-anyos na lalaki na isinugod sa pagamutan matapos makaranas ng hirap sa paghinga.
Sa ulat ng Burea of Fire Protection-Caloocan, dakong alas-7:00 ng umaga nang magsimula ang sunog na umabot lang sa unang alarma at idineklarang fire-out pagsapit ng alas-8:07 ng umaga sa isang 2-storey building, sa Tanigue St., Barangay 14, Caloocan City.
Batay sa video, sa ikalawang palapag ng gusali nagsimula ang apoy at makapal na usok na nakakuha ng atensyon ng isang Rogelio Fernandez, tricycle driver. Kinalampag niya ng hawak na mahabang bakal ang steel door.
Nais ang tricycle driver na maalarma ang mga nakatira doon na posibleng mga natutulog pa.
Ang biktimang babae ay kamuntik nang ma-trap kaya kumapit sa bakal na parapet wall ng terrace upang makaiwas subalit dahil sa sobrang init ay nalapnos ang mga daliri niya kaya napilitang tumalon at maswerteng nasalo ng nakaparadang motorsiklo.
Isang pamilya na may apat na miyembro ang nakatira sa nasunog na bahay.
Ang 2 sugatan ay mula sa 15 katao na naapektuhan sa naganap na sunog. Umaabot naman sa halos P50,000 ang halaga ng pinsala sa ari-arian ang natupok ng apoy.
Patuloy pa ang pagsisiyasat ng Arson investigator para matukoy ang dahilan ng sunog.
- Latest



















