P15 minimum fare sa jeep, hirit ng transport group

Sa pagtaas ng presyo ng petrolyo
MANILA, Philippines — Nanawagan ang transport group na Liga ng Transportasyon at Operator sa Pilipinas (LTOP) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na gawing P15 ang minimum fare sa jeep mula sa kasalukuyang P13 minimum fare.
Ito ang iginiit ni Ka Lando Marquez, national President ng LTOP kaugnay ng bigtime oil price hike sa bansa
Sa press briefing sa QC, sinabi ni Marquez na hindi na makapag- uwi ng maayos na kita ang mga driver ng jeep ngayon sa bawat araw na pamamasada dahil sa mataas ng presyo ng diesel.
Aniya taong 2023 pa nakasalang sa LTFRB ang petisyon nilang taas pasahe pero hindi gumagalaw ang request hanggang ngayong pumasok ang taong 2026 at lingguhang taas presyo ng petrolyo.
Sinabi ni Marquez na hindi aniya dapat pang magpatupad ng oil price hike ang mga kompanya ng langis dahil hindi pa nauubos ang 60 days stock ng petrolyo bago sumiklab ang gulo sa middle east.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Ka Mody Floranda, President ng Piston na igigiit nila sa LTFRB ang P5 taas pasahe sa jeep dahil sa naging epekto sa kanila ng patuloy na pagtaas sa presyo ng petrolyo.
Nanawagan din si Floranda sa pamahalaan na tanggalin ang P6 per liter na excise tax sa langis at P9 per liter na Vat sa oil imports upang mabawasan ang presyo ng petrolyo.
Hindi aniya sagot ang fuel subsidy na ipinagkakaloob ng pamahalaan sa transport sector dahil kulang ito at minsan ay wala namang laman ang cash card na binibigay ng gobyerno sa kanilang hanay.
Dapat din aniyang ibasura ang Oil Deregulation Law dahil wala itong tulong sa transport sector bagkus ay nagdudulot pa ng epekto sa kanilang hanapbuhay.
- Latest






















