Trike driver patay sa pamamaril sa Pasay

MANILA, Philippines — Patay ang isang tricycle driver nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin, sa Pasay City, umaga ng Linggo.
Kinilala ang biktimang si alyas “Jayson”, 33 , tricycle driver, miyembro ng Sputnik Gang at residente ng Magtibay S., Brgy. 132, Pasay City.
Inilarawan ang gunman na nakasuot ng kulay pula na t-shirt, itim na pantalon, gray ang sapatos, naka-helmet ng itim at sakay ng itim na mio motorcycle.
Naganap ang insidente alas-11:10 ng umaga ng Marso 1, sa tapat ng 2518 M. Dela Cruz Street, Brgy. 132, Pasay City.
Matapos matanggap ang tawag mula sa concerned citizen, rumesponde ang mga tauhan ng Pasay CPS-Sub-station 4 at nadatnan ang nakahandusay na duguang biktima kaya isinugod sa Pasay City General Hospital subalit dead-on-arrival na alas-11:37.
Nagsasagawa na ng follow-up investigation at hot pursuit operation ang Investigation and Detection Management Section ng Pasay CPS, kabilang ang pagrepaso sa nakalap na CCTV footages para sa ikadarakip ng suspek.
Inaalam din ang motibo sa pamamaslang.
- Latest




















