Magulang ‘di parurusahan – DOH
‘Di magpapabakuna ng anak
MANILA, Philippines — Hindi magrerekomenda ng anumang parusa ang Department of Health (DOH) laban sa mga magulang na tumatangging pabakunahan ang kanilang mga anak.
Ginawa ni Health Secretary Ted Herbosa ang paglilinaw, sa isang erratum, kaugnay ng nabanggit ng isang opisyal ng DOH sa isinagawang pagdinig sa House of Representatives.
Ipinaliwanag ni Herbosa na sa halip na parusahan, dapat na impormahan at i-educate ang mga magulang hinggil sa mga benepisyo ng bakuna.
“Kailangan i-inform at i-educate ang mga magulang tungkol sa benepisyo ng mga bakuna,” ayon pa kay Herbosa.
Aniya, “So inuulit natin, wala po tayong i-impose na penalty.”
Nanindigan rin ng DOH chief na hindi bahagi ng polisiya ng DOH ang pagpaparusa sa mga magulang at iginagalang ng ahensya ang karapatan at paniniwala ng mga ito.
“Naniniwala kami sa human rights at paniniwala ng ating mga magulang kung gusto o ayaw nilang magpabakuna,” aniya.
- Latest



















