6 sugatan sa pagsabog ng superkalan sa Navotas
MANILA, Philippines — Sugatan ang anim katao matapos na sumabog ang tangke ng superkalan sa isang bahay nitong Miyerkules ng umaga sa Navotas City.
Batay sa report, bandang alas-9:27 ng umaga nang mangyari ang pagsabog sa Blk 33 Matang Baka St. Brgy. NBBS-Dagat-dagatan. Sinasabing sumingaw ang superkalan habang sinisindihan ang burner nito.
Ginagamot ngayon sa Navotas City Hospital si alyas “Analiza”, 47, na nalapnos ang buong katawan gayundin ang dalawang anak nito na sina alyas “Jhenrix”, 24, na lapnos ang braso, katawan at paa, at alyas “Angel” 13, na nasunog ang mukha katawan at braso. Kapwa sila naka-confine sa Tondo Medical Center.Nasa Intensive Care Unit (ICU) naman ng Tondo Medical Center ang 56-anyos na si alyas “Mayette” nang masunog ang halos buong katawan, habang nakaratay rin sa naturang pagamutan si alyas “Albert”, 31, na lapnos din ang buong katawan. Ang dalawa ay kapwa bisita ng pamilya nang mangyari ang insidente.
Nasugatan din ang kapitbahay ng mga biktima na si alyas “Maricris”, 45, na nagtamo ng sugat sa noo bagama’t pinauwi na matapos lapatan ng lunas sa Navotas City Hospital.
Pinaalalahanan ng Navotas City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) at ang Bureau of Fire Protection (BFP)-Navotas ang mga residente na iwasang gamitin sa loob ng kanilang bahay ang super kalan na idinisenyo lamang na pang-outdoor dahil nakapatong mismo ang burner nito sa tangke.
- Latest
















