PNP nakatutok sa muling pamamayagpag ng E-Sabong
MANILA, Philippines — Dahil sa muling pamamayagpag ng E-sabong, sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief PGen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr., na mas paiigtingin pa nila ang kanilang mga kampanya sa tulong ng Anti-Cybercrime Group (ACG).
Ayon kay Nartatez, inatasan na niya ang mga police commander na tumulong sa pagbabantay at pangangalap ng intelligence report kaugnay ng pinagmumulan ng mga live feed ng online cockfighting sa kani-kanilang nasasakupan.
Maaalalang ipinagbawal na ang e-sabong, ngunit patuloy pa rin itong mino-monitor ng PNP dahil sa mga palihim na operasyon nito online.
Ilang online sites na rin ang naipatigil bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa iligal na pagsusugal.
Dagdag pa ni Nartatez na patuloy ang pakikipagtulungan ng PNP-ACG at ng Intelligence Group (IG) sa pagtunton at pagpapatigil ng iligal na operasyon ng e-sabong gayundin ang pagtukoy sa mga operator na gumagamit ng network ng VPN at offshore hosting, at mangalap ng sapat na intelligence report para masuportahan ang magkakaugnay na cyber at ground operations.
Bukod sa pagpapatigil ng mga site na ginagamit para sa e-sabong, sinabi ng PNP chief na nakatuon din sila sa pagtukoy sa mga financier at operator ng mga online illegal gambling platform.
- Latest






















