Kelot, tepok sa pamamaril sa Tondo

MANILA, Philippines — Isang lalaki ang patay nang barilin ng ‘di kilalang salarin sa Tondo, Manila kahapon ng madaling araw.
Isang tama ng bala sa ulo ang ikinasawi ng biktimang si alyas “Jun”, 30, at residente ng Barangay 120, Tondo.
Nakatakas naman at tugis na ng mga awtoridad ang ‘di pa kilalang suspek na inilarawang nakasuot ng jacket at ballcap.
Batay sa ulat ng pulisya, madaling araw ng Linggo nang maganap ang krimen sa Laurel St..
Sa kuha ng CCTV, makikitang naglalakad ang biktima nang makabungguan ang suspek, na kaagad na bumunot ng baril at pinaputukan siya bago tumakas.
Sa isa pang anggulo ng CCTV, makikitang muli ang suspek na naglalakad palayo sa lugar na tila walang nangyari.
Ayon sa pamilya ng biktima, wala silang alam na dahilan para patayin ang kaanak.
Gayunman, aminado ang tiyuhin ng biktima na madalas itong masangkot sa gulo sa kanilang lugar at may nakakaaway dahil laman umano ito ng kalsada at magdamag na nakatambay sa labas.
Posible rin umanong hindi residente sa kanila ang gunman dahil walang nakakakilala rito. Patuloy ang imbestigasyon sa kaso.
- Latest


















