ALS student nagpasaklolo sa NBI vs SBMA officials
MANILA, Philippines — Isang estudyante ng Alternative Learning System (ALS) ang dumulog sa National Bureau of Investigation (NBI) upang ireklamo ang ilang opisyal umano ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa diumano’y panggagamit sa kanya at alegasyon sa pangingikil sa isang negosyante.
Kasama ng complainant na si alyas “JP” ang ina at ilang kinatawan ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa pangunguna ni VACC Chairman Atty. Manuel Obedoza kamakailan para humingi ng proteksyon at maimbestigahan ang kinakaharap na kaso laban sa ilang SBMA officials.
Anila, ipinarating na rin nila ang concern kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa pamamagitan ng liham.
Nakasaad anila, sa liham na may ilang makapangyarihang tao ang walang paalam na kinuha si JP na noon ay menor-de-edad at ginamit upang makapangikil ng malaking halaga ng pera.
Inilahad din nila na may pekeng reklamo ng rape na inihain ang ilang opisyales ng SBMA laban sa mayamang negosyante at pineke ang pirma ng mag-ina.
Sa kagustuhang maituwid, dahil wala umanong katotohanan ang rape ay lumapit sila sa mataas na opisyal ng SBMA upang humingi ng tulong. Sa halip na mabigyan ng pag-asa at manaig ang katotohanan ay wala umanong aksyon.
Isinalaysay sa NBI ng mag-ina na P50 milyon ang hinihingi ng mga inaakusahang opisyal ng SBMA sa negosyante. Pinabulaanan din ni JP sa harap ni NBI Director Angelito Magno na may nangyaring rape kaya nadismis lang ang reklamo sa korte.
Nangako naman si Magno na iimbestigahan ang mga isinasangkot na SBMA officials.
- Latest


















