Pabahay ng NHA, 70 percent nang tapos

MANILA, Philippines — Nasa 70 percent nang natatapos ang housing project ng National Housing Authority (NHA) para sa mga pamilyang apektado ng pagsasagawa at pagtatayo ng Philippine National Railway’s (PNR) North-South Commuter Railway project na pinondohan ng Department of Transportation (DOTr).
Ito ay inanunsyo ni NHA General Manager Joeben Tai makaraang magsagawa ng site inspection sa ibang proyektong pabahay ng ahensiya sa lalawigan ng Pampanga sa San Fernando View Residences (SFVR) Phase 1 sa Brgy. Panipuan, Mexico, Pampanga.
Binisita din ni GM Tai sa iba pang lote na pagtatayuan ng iba pang DOTr-funded na proyekto particular sa SFVR Phase 4 sa Mexico at lote para sa pagtatayuan ng Casa de Angeles sa Angeles City gayundin ang lote ng NHA sa Mabalacat, Pampanga na pagtatayuan ng Mabalacat Enclaves.
Ang proyekto ay nakalaan para sa mga pamilyang nakatira malapit sa daluyan ng tubig at mapanganib na lugar. Katabi ng proyektong ito ang isa pang resettlement site ng NHA, ang Mabalacat Northville 16.
Binigyang-diin ni GM Tai na ang hakbang ay upang matiyak ng NHA ang kalidad at kaligtasan ng mga gusaling itatayo, gayundin upang masuri ang estado ng konstruksyon at lokasyon ng pabahay para sa kapakanan ng mga benepisyaryo ng housing program.
- Latest
















