Viral reckless driver sa Valenzuela natukoy
MANILA, Philippines — Natukoy na ng mga awtoridad ang driver na nag-viral sa reckless driving sa Valenzuela City na naglagay sa peligro sa iba pang motorista sa kahabaan ng Sapang bakaw, Barangay Lawang Bato, Valenzuela City noong Biyernes ng gabi.
Iniharap kahapon ng umaga kay Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian ang truck driver na si alyas “Nelson”, 41-anyos, kasama ang kinatawan ng United Steel Master Mfg. Corp., na nagtungo sa Valenzuela Police Station kaugnay sa show cause order ng Land Transportation Office (LTO) sa mga nakitang paglabag sa batas trapiko.
“Hindi po namin tino-tolerate ang mga ganitong kaskasero at bastos na driver sa aming lansangan. Valenzuela City is the home of 15,000 industries, warehouses, and commercial establishments. This is the reason why we are very strict and we put order talaga sa aming mga lansangan. Dahil alam po naming kami ay dinadaanan ng maraming trucks of various sizes dito sa aming lungsod, kaya po mas strict pa kami [sa batas trapiko],” pahayag ni Mayor Wes ukol sa insidente.
Nadiskubre ang insidente mula sa post ng Facebook page na Visor, kung saan makikita ang isang truck na binabaybay ang kalsada at walang habas na nagpapalit-palit ng linya habang inuunahan ang ibang mga sasakyan na nakakasabay nito, habang napakabilis ang takbo, kaya iniiwasan ng iba pang sasakyan.
Pinatawan ng 90-day preventive suspension ang lisensya ng driver habang inirekomenda ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela ang temporary closure and suspension ng mga operasyon ng United Steel Master Mfg. Corp.
- Latest

















