E-bikes bawal sa 7 major roads sa Parañaque

MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang mga driver ng e-bikes at e-trikes na mahigpit ang pagbabawal sa pagdaan sa pitong pangunahing kalsada sa lungsod,
Sinabi ni Olivarez na dapat alamin ang mga inilistang kalsada ng Traffic and Parking Management Office (TPMO) bilang pagtugon sa Republic Act 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code, LTO Administrative Order No. 2021-039, at MMDA Regulation No. 24-022, Series of 2024.
Kabilang sa ipinagbabawal na gamitin ng e-bikes ang Dr. A. Santos Avenue, Quirino Avenue, NAIA Road/MIA Road, Roxas Boulevard, West Service Road, East Service Road, at Airport Road (Mabuhay Lane).
Ayon kay Olivarez, ang advisory ay naging epektibo noong Enero 2 bilang paalala sa mga gumagamit ng e-bike na iwasan ang mga kalsadang ito, na natukoy na mga lugar kung saan karaniwang nagkakaroon ng mabigat na trapiko.
Aniya, magtatalaga ng karagdagang mga traffic enforcer upang bantayan ang mga lugar at pigilan ang mga gumagamit ng e-bike na dumaan sa mga ipinagbabawal na kalsada.
Samantala, ipinahayag ni Pateros Municipal Government noong Enero 2, na hindi apektado sa pagbabawal sa umiiral na e-trike ban sa Metro Manila.
Gayunman, pinaalalahanan ang e-bike riders na kahit pinapayagan sila sa paggamit ng mga kalsada ay dapat ding sumunod sa mga regulasyon, at hindi dapat hayaan ang mga menor-de-edad na magmaneho ng e-trike o e-bike.
“Hinihikayat rin po ang lahat na maging mapanagot sa kaligtasan sa lansangan: siguraduhing maayos ang inyong e-bike, gumamit ng tamang protective gears, iwasang makipagsabayan sa mabibilis na sasakyan, at huwag hayaang manehuhin ng mga menor-de-edad,” ayon sa isang pahayag.
- Latest





















