Sundalo dedo sa accidental firing

MANILA, Philippines — Luksa ang pagsalubong sa Bagong Taon ng pamilya ng isang sundalo matapos na masawi nang aksidenteng pumutok ang baril na nililinis ng kasamahan nito sa serbisyo nitong nakalipas na araw ng Pasko sa lalawigan ng Abra.
Kinilala ang nasawing biktima na si Private First Class (PFC) Archie Calawit ng Charlie Company sa ilalim ng Army’s 50th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army na nakabase sa Poblacion, Lacub, Abra.
Sa report ng Abra Police, si Calawit ay nasa kusina sa isa sa mga kubo sa nasabing kampo habang ang isa pa nitong kasamahang sundalo ay nasa kabilang kubo may 15 metro ang distansya.
Ang nasabing sundalo ay naglilinis ng cal 9 MM pistol na armas nito nang aksidente itong pumutok na may natitira pa palang bala na aksidenteng sumapul kay Calawit na duguang napalupasay sa insidente.
Nagawa pang maisugod sa pagamutan si Calawit pero idineklara na itong dead-on-arrival matapos na masapul ng tama ng bala sa kaliwang balikat na tumagos sa bahagi ng kaniyang dibdib.
Sumuko sa pulisya ang sundalong aksidenteng nakabaril na ngayon ay nahaharap sa kasong homicide.
- Latest























