Konsehal ng Maynila, kinasuhan ng sexual harassment

MANILA, Philippines — Pormal nang sinampahan ng isang konsehala ng reklamong sexual harassment ang kanyang kapwa konsehal sa Manila Prosecutor’s Office kahapon ng hapon.
Nagtungo si Manila Fourth District Councilor Eunice Ann Denice Castro sa piskalya, kasama ang kanyang abogadong si Atty. Maggie Garduque, upang sampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 11313 o The Safe Spaces Act at Acts of Lasciviousness si Fourth District Councilor Ryan Ponce.
Matatandaang bago ang pagsasampa ng kaso ay ibinunyag ni Castro sa kanyang privilege speech sa isang regular session ng Sangguniang Panglungsod noong Oktubre 9, 2025 ang ginawang pangha-harass laban sa kanya ni Ponce.
Hindi naman ito itinanggi ni Ponce at sa halip ay nanghingi ng paumanhin sa kanyang nagawa.
Sa kabila naman nito, sinabi ni Atty. Garduque na, “Humingi siya ng tawad… but it does not erase the fact that there is criminal liability,” kaya’t itinuloy ang pagsasampa ng kaso laban sa konsehal.
Noong Oktubre 16, inirekomenda na rin ng Committee on Ethics na mapatawan si Ponce ng 60-araw na suspensiyon hinggil dito.
- Latest

















