Babae kinatay ng dating nobyo

MANILA, Philippines — Isang babae ang pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng kanyang dating kasintahan kahapon ng madaling araw sa Makati City.
Dead-on-arrival sa ospital ang biktimang si alyas “Daniella” dahil sa tinamong mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang naaresto naman ang suspek na si alyas “Franz”, 24.
Sa inisyal na ulat na isinumite kay Makati City Police Station chief, PCol. Pedro Alagano, Jr., naganap ang krimen bandang alas-4:40 ng madaling araw nitong Linggo, Disyembre 14, sa labas ng isang fastfood restaurant sa Adelina St., Brgy. Singkamas.
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ng dalawa hanggang sa maglabas ng patalim ang lalaki at inundayan ng maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dating nobya, bago tumakas sakay ng kulay puti na motorsiklo.
Isang saksi na nakakilala sa suspek ang nagprisinta na ituturo ang bahay ng suspek at sa follow-up operation ay nadakip si Franz alas-8:50 ng umaga habang nagmamaneho ng motorsiklo sa Rizal Avenue, Brgy. San Antonio, Angono, Rizal.
Pinapurihan ni Southern Police District (SPD) Director PBGen. Randy Arceo ang maagap na pag-aksiyon ng kapulisan sa naturang krimen.
- Latest

















