Aso sa Valenzuela, pinutulan ng dila
MANILA, Philippines — Umapela ng tulong sa mga awtoridad ang may-ari ng aso na pinutulan ng dila ng hindi pa nakikilalang suspek sa Valenzuela City.
Ayon kay Rodlee Rivera-Zulueta, nais niyang matukoy at mapanagot ang nagputol ng dila ng kanyang alagang aso na si Kobe.
Pinutulan ng dila ng hindi pa nakikilalang salarin si Kobe, Martes ng madaling araw, December 9 sa Aratiles Street sa Balangkas, Valenzuela City.
Nakita na lang nina Rivera-Zulueta na duguan ang kanilang aso nang makauwi sa kanilang bahay. Kaya sinundan ng may-ari ang tulo ng dugo at natagpuan nila ang putol na dila ng aso.
Naipa-check na sa beterinaryo ang aso at hindi na umano puwedeng maibalik pa ang dila nito dahil sa dami ng naputol na ugat.
Nanawagan din sila ng tulong pinansyal para sa pagpapagamot kay Kobe.
Hiniling ng Animal Kingdom Foundation (AKF), maging ang iba pang grupong nangangalaga sa kapakanan ng mga hayop na imbestigahan ng mga awtoridad ang pangyayari upang mapanagot sa batas sa ilalim ng R.A. 8485 o Animal Welfare Act ang may kagagawan ng kalupitan sa aso.
- Latest

















