‘VIP treatment’ kay Alice Guo itinanggi ng BuCor
MANILA, Philippines — Mariing itinanggi ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang Jr. ang mga ulat na ipinadala sa media hinggil sa sinasabing VIP treatment kay Alice Guo sa Correctional Institution for Women (CIW).
Paliwanag ni Catapang nitong Huwebes, nasa 5-araw na mandatory quarantine si Guo sa CIW mula nang ilipat mula sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) noong gabi ng Disyembre 6.
Ayon naman kay CIW Chief Supt. Marjorie Ann Sanidad ay sumasailalim sa parehong mga regulasyon at paghihigpit si Guo na walang mga espesyal na pribilehiyo.
Batay sa rekord ng CIW, tanging ang kanyang mga abogado na sina Atty. Nicole Jamilla mula Disyembre 6-9, Atty. Romar Cambri noong Dis. 8 at Atty. Marc Lester Mamuri at Atty. Cheska Mhey Dela Paz noong Disyembre 10.
Pinabulaanan ni Sanidad na may gamit na cellphone si Guo na bawal sa sinumang bilanggo, maging sa mga kawani ng BuCor, na patas na pinaiiral sa loob ng secured areas, kabilang ang quarantine area na nasa loob ng Reception and Diagnostic Center.
Ang reaksyon ay ukol umano sa walang batayan at malisyosong ulat na may 2 lalaking Chinese looking ang bumisita kay Guo.
- Latest

















