DSWD red alert sa bagyong Wilma
MANILA, Philippines — Nasa red alert status ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa patuloy na banta ng bagyong Wilma na nakakaapekto sa Bicol Region at ilang bahagi ng Visayas.
“Simula po kahapon ay naka-red alert status na ang DSWD at ang aming Disaster Response Command Center (DRCC). Nakatutok ang aming ahensiya at mga Field Offices (FOs) upang patuloy tayong makapaghatid ng kinakailangang tulong sa mga kababayan natin na apektado ni Wilma,” ayon kay DSWD Asst. Secretary Irene Dumlao ng Disaster Response Management Group (DRMG).
Aniya , ang lahat ng Field offices sa mga apektadong rehiyon ay patuloy na nakikipag ugnayan sa local government units (LGUs) para matiyak na maayos ang pagtulong sa mga maaapektuhan ng kalamidad.
Sinabi ng opisyal na may nakahanda na ring family food packs (FFPs), ready-to-eat food (RTEF) boxes, at iba pang kailangang relief items ang DSWD para sa mga maapektuhan ng bagyong Wilma.
“Kahit po walang bagyo o kalamidad ay tuluy-tuloy ang pagre-repack ng DSWD at ng ating mga volunteers sa ating Luzon Disaster Resource Center (LDRC) sa Pasay City at Visayas Disaster Resource Center (VDRC) na nasa Mandaue City, Cebu. Kaya handa po tayo sa immediate na pagtugon sa request for relief assistance,” saad pa ni Dumlao.
- Latest




















