Babae, hinarang sa ‘hiram na mukha’ sa NAIA

MANILA, Philippines — Naharang ang 35-anyos na pasaherong babae matapos madiskubreng gumamit ng “hiram na mukha” upang makalusot sa paglabas ng bansa para magtrabaho, ayon sa Bureau of Immigration.
Sa ulat, Nobyembre 24, 2025 nang pigilan ng BI officers ang babaeng pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 na sumakay ng AirAsia flight patungong Kota Kinabalu, Malaysia at itinurn-over sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Lumilitaw sa inisyal na pagproseso, sinabi ng babae na hindi siya marunong magsulat para makumpleto ang travel form at ang pag-alis ay para magpakasal umano sa isang Malaysian national, subalit napuna ang kahina-hinalang 2020 Philippine departure stamp sa kanyang pasaporte. Nang beripikahin, natukoy na peke ang stamp at ang travel history ay hindi tugma sa opisyal na record.
Bagamat tunay ang pasaporte at birth certificate, na-detect ng biometric record na iba ang facial image sa iprinisinta sa passport.
Naniniwala ang BI na isang kaso ito ng assumed o shared identity, isang pamamaraan kung saan ang mga indibidwal ay humihiram o nagpapalitan ng mga dokumento sa mga kamag-anak.
- Latest
















