Paslit, natusta sa sunog

MANILA, Philippines — Patay sa sunog ang isang 7-anyos na batang lalaki matapos na makalimutang sagipin ng kanyang lola sa nasusunog nilang bahay sa Quezon City nitong Huwebes ng hapon.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 5:30 ng hapon nitong Huwebes, Nobyembre 13, nang magsimula ang sunog sa kanto ng Betsayda Alley at Banahaw Sts., Brgy. San Martin De Porres, Cubao, Quezon City.
Sa pagsisiyasat ni PSSg Camilo Ross J Cunanan, nalaman ni Lola Cardona na nasusunog ang ikalawang palapag ng kanilang bahay nang marinig ang sigaw ng mga kapitbahay.
Dala ng kalituhan, tumakbo palabas ng bahay si Cardona at nang nakalabas ng bahay ay biglang naalala na naiwan pala ang kanyang apo na si alyas “MCC” na natutulog sa loob ng silid.
Agad umanong tumakbo pabalik sa nasusunog nilang bahay ang lola para iligtas ang apo subalit mabilis na nilamon na ng apoy ang bahagi ng bahay at gumuho.
Samantala, rumesponde naman sa lugar ang Quezon City Fire District (QCFD) sa pangunguna ni FInsp. Lorenzo Diaz at naapula ang apoy bandang 6:33 ng gabi.
Sa ocular inspection, natagpuan ang sunog na bangkay ng bata sa ilalim ng mga nasunog na kahoy.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.
- Latest





















