BI wawakasan human trafficking
MANILA, Philippines — Inihayag ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na ginagawa ng kawanihan ang lahat upang wakasan ang human trafficking kasunod ng pagpapauwi sa bansa ng nasa 346 na biktima mula sa Myanmar noong Nobyembre 12.
Ayon kay Viado, ang mga repatriates, na dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sakay ng Philippine Airlines flight PR8502, ay nailigtas mula sa mga scam hub na nag-ooperate sa mga border area ng Myanmar.
Aniya, ang operasyon ay bahagi ng patuloy na internasyunal na pagsisikap na lansagin ang mga human trafficking network na nananamantala sa mga Pilipino at iba pang Southeast Asian sa pamamagitan ng mga pekeng online na alok ng trabaho.
“Ang trafficking ng ating mga kapwa Pilipino sa mga scam hub na ito ay bumibiktima sa pangarap ng bawat Pilipino”, ani Viado.
Inulit ng BI ang babala nito sa publiko na manatiling mapagbantay laban sa mga online job recruiter na nag-aalok ng trabaho sa mga kalapit na bansa sa Asya, partikular na sa mga rehiyong kilala sa mga operating scam hub.
Ang mga repatriate ay kasalukuyang pinoproseso para sa debriefing at reintegration ng mga kaugnay na ahensiya ng gobyerno.
- Latest















