Dagdag pondo sa mabilis na resolusyon sa graft cases – Solon
MANILA, Philippines — Nanawagan si Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos sa Bicameral Conference Committee on Finance na maglaan ng karagdagang pondo sa pambansang badyet sa susunod na taon upang mapabilis ang pagresolba ng daan-daang nakabinbing kaso ng katiwalian sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Ayon kay Santos, ang mabagal na pag-usad ng mga kasong ay nakakasira sa tiwala ng publiko sa hustisya at nagpapahina sa pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan.
“Justice delayed is justice denied. Kailangang bigyan ng sapat na pondo ang ating mga anti-corruption agencies upang mapabilis ang imbestigasyon at paglilitis. Utang natin sa taong-bayan ang mabilis at patas na hustisya,” ani Santos.
Binanggit ng mambabatas na patuloy na nahihirapan ang Office of the Ombudsman, Sandiganbayan, at Department of Justice (DOJ) dahil sa kakulangan ng tauhan at limitadong operasyon.
Ani Santos, dapat bigyang-prayoridad ng bicameral committee ang pagpapalakas ng mga institusyon sa pamamagitan ng dagdag na pondo para sa mga imbestigador, piskal, at modernisasyon ng case management systems.
Tiniyak ni Santos ang kanyang patuloy na suporta sa mga hakbang para sa transparency at accountability, at naniniwalang ang mabilis na resolusyon ng mga kaso ng katiwalian ay makatutulong upang maibalik ang tiwala ng publiko sa pamahalaan.
- Latest

















