2 drug suspect, arestado sa buy-bust
MANILA, Philippines — Dalawang drug suspect ang nadakip ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation sa Quiapo, Manila, kamakalawa ng gabi.
Ang mga suspek ay kinilalang sina alyas “Jomar”, na itinuturing na newly-identified na street level individual (SLI), 37, residente ng Batanes St., Sampaloc, Manila at alyas “Ima”, 56, ng Oscaris St., Quiapo, Manila.
Batay sa ulat ng Barbosa Police Station (PS-14) ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong alas-11:50 ng gabi nang maaresto ang mga suspek sa drug buy- bust operation sa Sigay St., kanto ng Quezon Boulevard sa Quiapo.
Nauna rito, nakatanggap umano ng tip ang mga awtoridad hinggil sa ilegal na aktibidad ng mga suspek kaya’t nagkasa ng buy-bust.
Kaagad namang inaresto ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang mga suspek matapos na bentahan ng ilegal na droga ang isang pulis, na nagsilbing poseur buyer sa operasyon.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang nasa 11 gramo ng hinihinalang shabu, na may estimated street value na P74,800 at buy-bust money.
Ang mga suspek ay nakapiit na ang mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest



















