NPD chief, ‘choosy’ sa media?
MANILA, Philippines — Kinondena ng CAMANAVA Press Corps ang umano’y pagiging ‘choosy’ sa media ni Northern Police District (NPD) Director PBGen. Jerry Protacio tuwing may press conference.
Nabatid na makailang ulit nang ginagawa ni Protacio ang pagpapadala ng media advisory ilang minuto bago ang press conference na kinuwestiyon ng mga reporters. Hiling ng mga reporters sa NPD, magpadala ng media advisory isang araw bago ang press conference upang makadalo.
Madalas ding nangyayari na naglalabas ng advisory ang NPD at ikakansela ilang minuto bago ang press conference ngunit itutuloy ang dahil naroon umano ang ‘paboritong’ media ni Protacio.
Ilan sa mga naka assign sa CAMANAVA area ay hindi lamang NPD ang kinokober kung kaya nais ng mga ito na magkaroon ng palugit o sapat na oras sa pagpapadala ng media advisory.
Ayon sa mga reporters hindi dapat nagpapakita ng ‘favoritism’ si Protacio dahil pare-parehong may responsibilidad ang mga reporters sa kanilang mga publication na ikober ang balita o dumalo sa press conference na ipinatatawag. Hiling ng mga mamamahayag, dapat na isaalang alang ni Protacio ang tungkulin ng media na maihatid ang totoong balita.
Dahil dito umaapela ang CAMANAVA Press Corps kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director PLtGen. Anthony Aberin na ‘ibriefing’ si Protacio sa pagbibigay respeto sa media.
Nilinaw ng CAMANAVA reporters na hindi sila humihingi ng VIP treatment mula kay Protacio kundi respeto sa oras at trabaho.
- Latest

















