Presyo ng gasoline, diesel at kerosene sisirit muli
Sa ika-5 sunod
MANILA, Philippines — Nakaamba na ang panibagong pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, ayon sa Department of Energy (DOE) nitong Biyernes.
Asahan na ng mga motorista ang ika-5 bugso ng pagtaas ng presyo na ipatutupad ng fuel retailers sa gasoline na humigit-kumulang sa P1.20 sa kada litro; sa diesel na humigit-kumulang sa P2.15 sa kada litro; at sa kerosene na P1.75 sa bawat litro.
Batay ito sa apat na araw na kalakalan sa Mean of Platts Singapore (MOPS) ang regional benchmark na ginagamit ng Department of Energy (DOE) ng Pilipinas upang matukoy ang mga presyo ng langis sa loob ng bansa, batay sa kondisyon ng pandaigdigang merkado, ayon sa DOE.
“Based on the four-day trading in MOPS, without yet the cost of doing business by the oil companies and other premiums, we will be expecting an increase in the prices of petroleum products by next week,” ani DOE-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero.
Aniya, ang mga palatandaan ay ang paghupa ng tension sa kalakalan sa pagitan ng Estados Unidos at China na magpapalakas ng demand, gayundin ang mga sanction ng “UK, US ang EU” sa Russia, ang mga dahilan sa inaasahang price adjustments.
- Latest
















