PNP, ARTA sanib puwersa sa pagsusulong ng transparency, efficiency, accountability
MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ni Philippine National Police (PNP) Acting Chief LtGen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr., na palalakasin nila ang kooperasyon sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) para matiyak ang mas epektibo, transparent, at citizen-centered na serbisyo-publiko.
Alinsunod aniya ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., sa pamamagitan ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, na isulong ang ease of doing business, tanggalin ang bureaucratic red tape, at tiyaking mabilis, patas at accessible sa lahat ng Filipino ang serbisyo ng mga ahensya ng pamahalaan.
Sa pagbisita ni ARTA Director General Ernesto V. Perez, at iba pang opisyal nito sa Camp Crame kahapon, tinalakay ang pagpapalakas sa ugnayan ng PNP at ARTA sa pagsusulong ng mas maayos na serbisyo publiko, at matiyak ang transparency at accountability sa mga proseso at transaksyon sa pulisya.
Ipinahayag nito ang buong suporta sa insyatiba ng ARTA na pabilisin ang serbisyo ng pamahalaan sa pamamagitan ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas” na nagbibigay-diin sa commitment ng PNP sa pagpapatupad ng reporma para maging mas mabilis, tapat at nakatuon sa mamamayan ang serbisyo nito.
- Latest


















