Las Piñas, SMC inilunsad ang river dredging, desilting drive
MANILA, Philippines — Pinasinayaan ng pamahalaang lungsod ng Las Piñas sa pangunguna ni Mayor April Aguilar ang Dredging and Desilting Project sa kahabaan ng Ilog ng Las Piñas at Zapote malapit sa C5 Extension, Barangay Pulanglupa Uno, katuwang ang San Miguel Corporation (SMC) sa ilalim ng kanilang Better Rivers PH program.
Layunin ng proyekto na mapabuti ang daloy ng tubig, mapigilan ang pagbaha, maibalik ang balanse ng kalikasan, at maisulong ang pangmatagalang rehabilitasyon ng ilog. Bahagi rin ng mga gawaing ito ang pagpapataas ng kalidad ng tubig, pagpapanumbalik ng natural na agos ng ilog, at pagsuporta sa pangmatagalang solid waste management at rehabilitation programs ng Las Piñas.
Nagpahayag ng pasasalamat si Mayor Aguilar sa SMC sa patuloy na pagtulong sa mga programang pangkalikasan at pangkatiwasayan ng lungsod.
“Ang pakikipagtulungan na ito sa SMC ay patunay ng ating sama-samang layunin na pangalagaan ang ating mga daluyan ng tubig, bawasan ang pagbaha, at tiyakin ang kaligtasan ng ating mga residente,” ani Mayor Aguilar. “Ito ay isang hakbang tungo sa mas malinis, mas ligtas, at mas matatag na Las Piñas.”
Samantala, sinabi naman ni Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos na matagal nang suliranin ang pagbaha sa mga komunidad at sa nasabing proyekto ay matutugunan ang problema sa pagbaha.
Nabatid pa na ang Better Rivers PH ay bahagi ng pambansang programa ng SMC na naglalayong ma-rehabilitate ang mga pangunahing ilog, mapabuti ang daloy ng tubig, at maiwasan ang pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
- Latest
















