Isko: ‘Long-delayed allowance’ matatanggap na
Mga guro, non-teaching personnel
MANILA, Philippines — Inihayag ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na matatanggap na ng mga public school teachers at non-teaching personnel sa lungsod ang kanilang ‘long-delayed allowances’.
Sa lingguhang flag-raising ceremony sa Manila City Hall nitong Lunes, na kasabay nang pagdiriwang ng National Teachers’ Day, sinabi ni Domagoso na sisimulan na ang pagre-release ng naantalang allowance na kinuha mula sa nakolektang P160 milyon mula sa national government contractors na nag-o-operate sa lungsod. Nabatid na Abril 2024 pa hindi naibibigay ang allowance ng mga guro at non-teaching personnel.
“We have collected P160 million from those contractors. Ang tawag natin doon, windfall,” paliwanag pa niya. “Because of that, I’m happy to announce, I’ve finished all 100+ documents signed for our beloved teachers of Manila, may utang ang Maynila sa kanila.” anang alkalde.
Sinabi ni Domagoso na ang unang tranche ng allowance, na katumbas ng halaga ng allowance para sa buwan ng Abril, at nagkakahalaga ng P25 milyon ay ilalabas ngayong araw, Oktubre 7, para sa 11,000 guro at non-teaching staff, sa ilalim ng Schools Division Office (SDO) ng Maynila.
Pinasalamatan din ni Domagoso ang City Treasurer’s Office, City Legal Office at ang “Sumbong sa Pangulo” platform sa pagtukoy sa mga kontraktor na hindi nagbabayad ng utang sa lungsod gayundin ang mga guro na nagpakita ng kanilang pasensiya at pagtitiis.
Tiniyak ni Domagoso na mababayaran ng city government ang kanilang mga pagkaka-utang sa mga guro bagamat paunti-unti.
- Latest
















