Korean, Chinese dinakma sa operasyon ng BI
MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang Korean at Chinese national sa isinagawang operasyon ng Bureau of Immigration (BI) sa Pasay City.
Sa report kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, kinilala ang mga dayuhan na sina Korean national Jang Haesung, 41, Korean at Zhang Shuiping, 38, Chinese.
Nahuli si Jang sa Newport Boulevard matapos ireklamo dahil sa umano’y pagkakasangkot sa mga investment scam na biktima ang parehong Pilipino at Koreano. Lumabas din sa record na overstaying alien siya matapos mabigong mag-apply ng visa mula nang dumating sa bansa noong Agosto 2024.
Samantala, inaresto rin sa parehong lugar si Zhang Shuiping dahil sa mga ulat ng kanyang pagkakasangkot sa large-scale fraud, pangongotong, at paggamit ng pekeng pagkakakilanlan. Lumabas sa imbestigasyon na madalas umano itong makita sa mga casino VIP rooms at posibleng konektado sa mga sindikatong sangkot sa droga, kidnapping, at prostitusyon sa Metro Manila.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, patunay ang mga operasyong ito sa matatag na paninindigan ng pamahalaan laban sa mga banyagang inaabuso ang kabutihang-loob ng mga Pilipino.
- Latest
















