DPWH Engineer binitbit sa kasong estafa
MANILA, Philippines — Dinakma ng mga operatiba sa loob mismo ng kanyang opisina sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Port Area, Maynila si Engr. Isabelo Baleros, bunsod ng mga kasong estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code.
Ang warrant of arrest ay inilabas ni Hon. Tammy Ann Reyes Mendillo, Presiding Judge ng Manila RTC Branch 22, sa ilalim ng Criminal Case No. R-MNL-25-07000-CR na may petsang Setyembre 30, 2025.
Si Baleros, na dating district engineer ng Las Piñas-Muntinlupa District Engineering Office (LPM-DEO), ay nakadetine ngayon sa Baseco Police Station 13 mula pa noong Huwebes matapos magpiyansa ng P48,000.
Nai-serve sa kanya ang warrant of arrest at ipinaliwanag ang kanyang mga karapatang konstitusyonal sa wikang kanyang nauunawaan. Gumamit din ang mga operatiba ng body-worn camera/alternative recording device bilang pagsunod sa kautusan ng korte.
Nauna nang sinibak si Baleros ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, matapos ibunyag ni Rep. Mark Anthony Santos ang umano’y mga kuwestiyonableng transaksyon nito, kabilang ang sinasabing paglipat ng P450 milyong pondo para sa mga flood control project na nakalaan sa Las Piñas.
- Latest
















