Rep. Santos, pinabulaanan ang pekeng tarpaulin at black propaganda
MANILA, Philippines — Pinabulaanan ni Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos ang pagkakabit ng mga tarpaulin o signage na naglalaman ng kanyang pangalan na kumalat sa iba’t ibang bahagi ng lungsod nitong mga nakaraang araw.
“Hanggang ngayon, hindi pa rin nila matanggap ang pagkatalo nila sa May midterm election. Bulok ang estilo—masyadong halata. Imbes na manira, mas mabuti siguro kung magtrabaho na lang sila para sa taong-bayan,” ani Santos.
Nitong weekend, biglang nagsulputan ang mga tarpaulin na may nakalagay na “ROAD CLOSED” at “FOR DEMOLITION—CONGRESSMAN MARK ANTHONY SANTOS.” Giit ng kongresista, hindi niya kailanman gagamitin ang kanyang mandato para magdulot ng takot o kalituhan sa kanyang mga kababayan.
Paliwanag pa niya, wala siyang mandato o kapangyarihan na ipasara ang isang pribado o pampublikong lugar nang walang pahintulot mula sa may-ari o kaya’y court order.
Para kay Santos, malinaw na black propaganda ang paninira laban sa kanya matapos mabunyag sa pahayagan at social media ang pangalan ng isang contractor na kamag-anak ng isang mayamang pamilya, na sangkot umano sa bilyong pisong government projects na karamihan ay substandard.
- Latest















