2 ‘killers’ ng transgender sa Valenzuela, nasakote
MANILA, Philippines — Himas-rehas ngayon ang dalawang construction worker na suspek sa pamamaslang sa isang therapist na transgender sa Valenzuela City nitong Lunes.
Sa report na ipinadala kay Nothern Police District (NPD) Acting Director PCol. Gerry Protacio sina alyas “Coy-Coy”, 27, helper, at alyas “Jay”, 27, construction worker na kapwa residente ng Tondo, Maynila ay nahaharap sa kasong Murder (Article 248, Revised Penal Code) bunsod ng pagpatay sa biktimang si alyas “Ernie” at kilala rin bilang si “Christine”,44, na transgender woman.
Lumilitaw sa imbestigasyon na bandang alas 11:20 ng gabi ng Setyembre 22 nang matagpuang walang buhay ang biktima sa loob ng inuupahan nitong apartment sa Barangay Malanday, Valenzuela City.
Huling nakitang buhay ang biktima noong Setyembre 21, nang bumili ng kape sa tindahan. Ayon sa mga kapitbahay, nakarinig sila ng ingay at pagtatalo sa unit ng biktima .
Sa direktiba ni Valenzuela City Police chief PCol. Joseph Talento, isinagawa ang follow-up operation nitong Miyerkules ng madaling araw sa pangunguna ni PCpt. Robin D. Santos, Officer-in-Charge ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS).
Agad isinagawa ang backtracking sa mga CCTV footage at natunton ang mga suspek sa Pilar Street, Tondo, Manila.
- Latest



















