15 wanted huli ng SPD sa loob ng 24 oras
MANILA, Philippines — Nasa 15 “wanted” kabilang ang construction worker na nagtago ng 21 taon ang nadakip sa serye ng operasyon ng Southern Police District (SPD), sa loob ng 24 oras.
Mula alas-5:59 ng umaga ng Setyembre 16, 2025 hanggang alas-6:00 ng umaga ng Set. 17, naitala ang SPD 2 Most Wanted Persons sa kasong Republic Act 10883 (New Anti-Carnapping Act of 2016), at isa pang wanted para sa 20 counts ng RA 10951 (Estafa).
Ang isang alyas “Amatong”, 47, na may kasong Article 249 ng Revised Penal Code (Frustrated Homicide) ay nadakip ng District Special Operations Unit (DSOU) ng SPD, alas 5:00 ng hapon ng Set. 17 sa Greenhouse Coastal Road, Brgy. San Dionisio, Parañaque City, na nagtago ng mahigit 2 dekada.
Si Amatong, ay may warrant na inisyu noong Hunyo 23, 2005 ni Hon. Francis A. Buliyat, Presiding Judge ng RTC Branch 9, La Trinidad, Benguet na may inirekomendang piyansa na P200,000. Nakalista rin siya bilang Most Wanted Person na may P50,000 reward sa ilalim ng Executive Order No. 2024-49 ni Benguet Governor Hon. Melchor D. Diclas, MD.
Samantala, 12 pang wanted ay inaresto dahil sa iba’t ibang mga paglabag, kabilang ang Unjust Vexation kaugnay ng R.A. 10175, Qualified Theft at Serious Physical Injuries.
- Latest

















