Magkapatid, yaya hinostage ng sekyu

Tinanggal sa trabaho
MANILA, Philippines — Hinostage ng isang security guard ang tatlo katao matapos na tanggalin sa trabaho at ipabarangay dahil sa paggamit ng illegal drugs kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Umabot ng anim na oras ang negosasyon hanggang sa tuluyang palayain ng suspek na si alyas “Jessie”, 45, ang mga biktimang si alyas “Jessema”, 19; kapataid na 11-anyos at kasamabahay na si alyas “Mary Ann”, 35, makaraang ipalit sa mga biktima ang chief of police ng Caloocan na si Col. Joey Goforth.
Batay sa imbestigasyon, bandang alas-7 ng umaga nang biglang pasukin ng suspek ang bahay ng mga biktima at nagsimula na ang pangho-hostage sa Alibangbang St., Brgy. Amparo, Caloocan.
Agad namang nakaresponde sa lugar ang mga tauhan ng barangay, pulisya, at Special Weapons and Tactics (SWAT) team upang tiyakin ang kaligtasan ng mga biktima at makontrol ang sitwasyon.
Isa sa mga kundisyon ng suspek ang mabigyan siya ng sasakyan na gagamitin sa pagtakas gayundin ang armalite para sa kanyang proteksyon. Dumating naman ang hiniling nitong get away vehicle at palabas na ng bahay ang suspek nang dambahin ng mga naka-civilian na pulis kaya’t nagawang maagaw ng isang miyembro ng SWAT ang 38 caliber na baril ng suspek.
Ngunit lingid sa kaalaman ng mga awtoridad, may nakasukbit na patalim ang suspek kaya agad na sinaksak sa kamay ang miyembro ng SWAT.
Doon na pinaputukan ng pulisya ang suspek sa paa at likod na agad na naisugod sa Tala Hospital, gayundin ang sugatang miyembro ng SWAT. Dinala rin sa Hospital si Goforth, matapos na makaramdam ng paninikip ng dibdib.
Lumilitaw na tinanggal sa trabaho ang suspek matapos na masangkot sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Nahaharap sa kasong illegal possession of firearm, alarm and scandal at assault in the person of authority ang suspek.
- Latest


















