2 Holdaper ng menor-de-edad, tiklo

MANILA, Philippines — Naaresto ng mga elemento ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawang lalaki makaraang holdapin ang isang 17-anyos na babae habang naglalakad sa kahabaan ng Rivera Street, Barangay Sangandaan, Quezon City, ayon sa ulat kahapon.
Ayon kay P/Lt. Col. Christopher Francis Siriban, hepe ng Talipapa Police Station 3, dakong alas-3 ng madaling araw noong Huwebes nang holdapin ng mga suspect ang biktima habang naglalakad sa nasabing lugar.
Sa kuha ng CCTV footage ay makikitang dumaan ang isang motorsiklo sakay ang dalawang suspect na sinundan ang naglalakad na biktima kung saan umikot pa ang mga ito hanggang sa makorner ang target.
Nagsisigaw naman sa paghingi ng tulong ang biktima matapos na puwersahang kunin ng mga suspect ang kaniyang wallet saka mabilis na tumakas ang mga holdaper.
Ang biktima kasama ang kaniyang mga magulang ay dumulog sa pulisya upang magreklamo at dito’y ipinakita ang larawan ng mga kawatan na dati ng may kasong robbery kung saan ay positibong itinuro ng biktima ang isa sa mga suspect.
Sa isinagawang follow up operation ay magkakasunod na nasakote ang mga suspect na nasa edad 20 at 26-anyos. Dito’y nabatid na may rekord ng pagnanakaw at illegal na droga ang 26 taong gulang na suspect.
- Latest


















