Matalinong paggastos sa pagseserbisyo tiniyak ng Parañaque LGU
MANILA, Philippines — Pinagtibay ni Parañaque City Mayor “Kuya” Edwin L. Olivarez ang pangako ng kasalukuyang administrasyon sa agarang paghahatid ng mga serbisyo ng pamahalaang lungsod sa mga nasasakupan nito sa pamamagitan ng General Services Office (GSO).
Sa isang seremonya ng pagtataas ng bandila, hinimok ni Olivarez ang GSO na ipagpatuloy ang matalinong paggastos, dahil pinahahalagahan ng pamahalaang lungsod ang mga buwis na galing sa pinaghirapang pera ng mga residente nito.
Ang inilaang badyet ng lungsod, dagdag niya, ay dapat gastusin nang wasto, ng pamahalaang lungsod, sa pamamagitan ng GSO, at dapat magpatuloy sa pagtupad sa pananagutan at transparency sa proseso ng pagkuha.
Pinuri niya ang GSO para sa mahusay at napapanahong paghahatid ng mga serbisyo at para sa pag-iingat sa mga ari-arian ng lungsod sa ilalim ng liderato ni Atty. Arvin Tapia, kasama ang iba pang mga tanggapan ng pamahalaang lungsod, lalo na sa gitna ng mga kamakailang bagyo sa huling bahagi ng Hulyo.
“Napaka-importante po ‘yung timing, importante-importante po ‘yung pangangailangan maibigay po ng ating GSO sa lahat ng opisina, sa lahat ng (service) department dito sa ating siyudad,” sabi niya.
- Latest






















