1 pang ‘Salisi’ sa Comelec Chairman, timbog

Suspek umaming target mga Chinese
MANILA, Philippines — Isa pang miyembro ng “Salisi Gang” na suspek sa pagtangay ng bag ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia ang nasakote ng Pasay City Police sa Bacoor, Cavite, noong Huwebes, Agosto 21.
Kinilala ni Pasay City Police chief, PCol. Joselito De Sesto ang suspek na si alyas “Romson Magalpoc”, 41, na nadakip dakong alas-5:00 ng hapon, sa Molino Road, Barangay Molino VI, Bacoor, Cavite.
Mabilis na tinungo ng mga tauhan ni De Sesto ang binanggit na lugar ng impormante kung saan nagtatago ang suspek.
Positibo namang kinilala ng isang waitress ng Singing Cooks and Waiters Atbp Restaurant si “Romson” na kabilang sa mga lumapit at tumangay ng bag ni Garcia na naglalaman ng cash, cellular phone, at iba’t ibang identification card, na nakatabi sa kanyang ng upuan.
Una nang nadakip si alyas “Hazel”, 44, sa Las Piñas noong Agosto 20. Si Hazel ang nagsilbing lookout ng grupo at narekober din ang get-away vehicle na Toyota Innova sa Laguna.
Sa panayam ng isang television station kay “Hazel”, inamin nito tinatarget ng kanilang grupo ang mga Chinese national. Hindi umano nila nakilala si Garcia at inakalang Chinese kaya pinuntirya nila.
Nangyari ang pagtangay habang naghihintay ng order ng pagkain sa ikalawang palapag ng nabanggit na restaurant ang grupo ni Garcia, matapos dumalo sa pagdinig ng Senado tungkol sa anti-political dynasty noong Agosto 19.
- Latest



















