15 taong kulong, P2 milyong multa sa hoarders ng beep cards - DOTr

MANILA, Philippines — Nagbabala ang Department of Transportation (DOTr) na kulong na 15-taon at multa na P2 milyon ang ipapataw sa mga hoarders at reseller ng beep cards.
Sa isang Facebook post, sinabi ng DOTr na ang hoarding at reselling ng beep cards sa mas mahal na presyo ay labag sa ilalim ng Republic Act 7394, Republic Act 7581 at Republic Act 11967.
“PAALALA: Mahigpit na ipinagbabawal ang pag-hoard at muling pagbenta ng beep cards sa mas mataas na presyo sa ilalim ng RA 7394, RA 7581 at RA 11967,” nakasaad sa paalala ng DOTr.
Matatandaang una nang sinabi ni DOTr Secretary Vince Dizon na masosolusyunan na ang shortage sa beep cards na nakakaapekto sa mga train commuters sa Metro Manila dahil sa pagdating ng karagdagang 300,000 regular beep cards na ipapamahagi sa mga linya ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Light Rail Transit Lines 1 (LRT-1) at 2 (LRT-2).
Kasabay nito, binalaan rin naman ni Dizon ang mga sindikatong maghu-hoard ng mga beep cards upang ipagbili ang mga ito sa halagang hanggang P300 bawat isa at sinabing ipapahuli at ipakukulong nila ang mga ito.
Ayon sa DOTr chief, “Mayroong mga sindikato na namimili sa mga istasyon. We are coordinating with the PNP and SAICT. Babantayan namin ‘yung bawat istasyon para mahuli itong mga loko-lokong ito. Papahuli at ipapakulong natin sila.”
Tiniyak rin ni Dizon na nakikipag-ugnayan na sila sa mga online selling platforms upang isarado ang mga accounts at grupo na mapapatunayang nagbebenta ng beep cards sa mas mahal na presyo.
- Latest























